Wednesday, November 17, 2004

The Daily Grind with Mr. Toledo

Lahat tayo may kanya-kanyang seremonyas kapag pumapasok sa iskwelahan o kaya sa trabaho. Sa kaso ko, ngayong nagtratrabaho ako bilang isang science teacher dito sa Biñan, iba ang pakiramdam ko. Para akong pumapasok sa iskwelahan pero imbis na nag-aaral ako eh ako 'yung nagtuturo (hindi ko pa rin talaga magamay ito bagama't maglilimang buwan na ako dito). Ikwekwento ko sa inyo kung ano-ano ba talaga ang nangyayari sa pangaraw-araw kong pagbiya-biyahe at pagtatrabaho:

Una sa lahat, magigising ako ng mga alas-6 ng umaga, medyo tanghali na ito dahil nung mga nakaraang mga trabaho ko, mga alas-5 pa lang gising na ako. Nasa ganitong pagkakasuno-sunod ang mga ritwal ko: ligo, luto ng almusal at ibabaon (yes, para makatipid, anyway sa akin din naman nanggagaling ito pero kapag medyo male-late na ako doon na lang ako nakain.Mura din kasi ang pagkain sa Biñan), plantsa, mag-alay ng manok (joke lang!), bihis, alis/batsi. Wala namang gaanong kakaibang nangyayari sa puntong ito...

Sa biyahe nagyayari ang giyera. Syempre 'pag baba ko sa tricycle, unahan na para makasakay ang mga katulad ko sa dyip. Mahigit kumulang na 20+ kilometro ang binabyahe ko mula sa amin kaya parang nakapunta na rin ako sa Alabang.

OK, sa biyahe nandyan siyempre yung mga walang pakundanga kung mag-yosi sa jeep, 'yung mga taong sumasakop ng upuan para sa dalawang tao, mga mababagal na drayber (naiintindihan kong kailanga din nilang kumita , pero sa tingin mo kaya tama pa rin yung puno na yung jeep pero hihintuan pa rin niya yung mga tao sa kalsada na hindi naman pumapara? Makatarungan ba iyon?), traffic dahil sa strike sa Nestle at sa Asia brewery ( na nangyayari halos lingggo-linggo). Argh! Mabuti pang lumuwas ng Alabang sinasabi ko sa inyo.

Pagdating sa trabaho, ratsada na sa turo mula 8:30 hanggang mga las-tres kasama ang mga pasaway kong estudyante (basahin nyo na lang yung mga lumipas kong entry...). Kahit na ganito kaikli ang working hours ko, pakiramdam ko napupundi ako pagkatapos.

Karaniwan, sumasabay ako sa van ng school pag-umuuwi. Bukod sa nakakatipid ako, dumadaan kami sa hi-way kaya mas mabilis. Kapag ganoon, alas-5 pa lang nasa bahay na ako. Pero 'pag hindi, malas ko na lang at mauulit ang pinagdadaanan ko sa biyahe nung umaga.Ewan ko ba, mas maluluwag naman ang kalsada dito sa Laguna pero nagtra-tarpik pa rin.

Pagdating sa bahay, magpapahinga ako ng kaunti tapos mamimili na ako ng gagawin: uunahin ko ba mga lesson ko o maglalakwatsa ako (magdrowing, magpintura ng model kits, maglaro ng video games etc.). Madalas inuuna kong maglakwatsa (salbahe!) kaya madalas gabi ko na ginagawa ang mga lesson ko para sa mga bata.Kaya gabi na rin ako matulog (mga alas-12 hanggang ala-1 at syempre aga uli ng gising...

Ganyan ang pinagdadaanan ko araw-araw, parang ganun din naman kung ikukumpara sa iba.Sabi nga nila:"Kanya-kanyang gapak lang".

Ibang usapan naman kapag weekends = )


5 comments:

Lord Nightshade said...

Hey, 'di naman gumagana link mo sa kin eh... q's: paano maglagay ng bar sa tabi?

Ilyn said...

Naalala ko ang lahat. Alam mo, gawin mo ang lahat ng magagawa mo, importante yan. Pero sa totoo lang, me mga estudyanteng ayaw talaga mag-aral... ang nakakainis, alam mong matalino sila. Ang wala ka nang magagawa ay yung talagang "cerebrally challenged"... di ako naniniwala noon, pero meron pala talaga. Merong isa o dalawa sa isang batch. Suggestion magbigay ka ng 5-question quiz everyday at the end of the lesson, pag hindi nakinig sa iyo ang mga yan, ewan ko na. hehe. Pero yun nga lang, kawawa ka kasi madami kang iti-check na papers. Pero effective yan. :)

Raipo said...

Well meron nga Ate, mga dalawa dito pero 'yung iba sobrang kulit lalo na yung mga freshmen, 'di pa siguro nila nalalampasan 'yung pagka-gradeschool nila...

Jonas Diego said...

Mag-alay ng manok!? Naku, hindi matutuwa si Gerry niyan. Hindi talaga...

Ang manok hindi hinahalay (manyak!). Kinakain 'yan! :)

Jac said...

I'll post my typical day too!

...as soon as I GET a typical day out of my wacky random life, that is.